Mark Edison.
Happy birthday Biboy! :)
18 years old na ang aking pinakamamahal na kapatid. Nagpunta siya kahapon sa bahay. Nakakatuwa na nakakaiyak na nakakalungkot ng uber-uber. Nakakatuwa kasi umuwi siya kahit papaano. Noong pasko lang namin siya huling nakita. Nagpaka-busy kasi siya sa pagta-trabaho sa bakery ng pinakamasungit kong Auntie sa Bulacan. So ayun. Malayo siya sa amin na pamilya niya.
At kaarawan niya noong march 13. March 14, Linggo, habang abala ang buong mundo sa laban ni Pacquiao at ni Clottey ay abala naman ako sa paglilinis ng buong bahaus dahil darating siya. Kahit hindi naman ibinilin sa akin ni ina na maglinis, naglinis na din ako. Kakahiya naman, minsan na nga lang siya dumalaw, mukha pang basurahan ang bahay. HAHA.. :D
Nakakamiss. Nakakainis. Nakakalungkot. Sobrang happy. Sobrang sakit sa puso.
Iyon na yata ang lahat ng nadama ko nung dumating siya. Alam mo ba, siya ang pinaka-close ko sa aming magkakapatid. Pero hindi naman dahil close kami eh nasasabi ko na ang lahat ng bagay sa kanya. Syempre may mga exceptions. Pero hindi lang niya alam kung gaano ako na-broken hearted noong nagdesisyon siyang umalis. Parang nagunaw ang isa sa mga pader ko. Para bang may namatay na malaking bahagi sa buhay ko. Oo na, masyado bang OA? Parang ganun lang kasi talaga.
Masakit. Basta ganun.
Ito lang naman ang mga bagay na hindi ko tahasang masabi sa kanya ng mata sa mata, harap-harapan. Baka tumulo lang sipon ko, mahirap na. Ikaw ba, madali para sa'yo na sabihin ang ganitong mga bagay?
Sa lahat ng alaala noong mga bata pa kami, kami lagi ang partners-in-crime. Lagi akong napapadala sa Guidance Office dahil sa kanya. Tahimik lang kasi siyang tao. Hindi niya masyadong iniinda kapag may umaaway sa kanya. Kahit halos kumukulo na dugo niya sa inis, tahimik pa din siya, hindi siya iyong tipo ng lalaking mananapak agad - pero ako, ganun. Pero saksakan naman yun ng gulang! Magaling mang-uto ang loko. Lahat ng pwedeng mapagkakitaan, ibebenta. Magaling siya sa mga bagay-bagay na hindi mo iisiping pagkaabalahan. Naalala ko pa nga noong magpabutas ng tenga ang gago, iiyak iyak siya sa akin sa school kasi feeling niya, mai-infect siya. Tapos noong mahuli siya ni Tchr. Cora (adviser ko noong 1st year) sa isang exam na kung saan gumamit sila ng kanyang mga kaklase ng kodigo na sa kamalasan ay siya lang ang nahuli. Sa dami ng alaala ko sa kanya, hindi ko kayang ihayag lahat dito. Tulad ko, for sure mayroon ka ding ganitong kwento sa mga kapatid mo.
Kung minsan naiinis ako sa kanya. Kung minsan naman naawa ako. Pero ngayon iba na. Ang lahat nagbago na. Wala na ang dating tatanga-tangang Biboy na hindi marunong magligpit ng maruming damit. Wala na ang tulog lang ng tulog na si Biboy. Wala na ang dating kasama kong si Biboy.
Kahapon parang ewan lang. Ako ang unang nakakita sa kanya noong bumaba siya sa tricycle. Ako din ang unang sumalubong sa kanya. Buong oras na nanatili siya sa amin, pinipigil ko ang mga luha ko. Hindi importante kung may pasalubong siya. Hindi inportante kung meron o wala, ang mahalaga, kahit papaano, umuwi siya. Umuwi siya kahit saglit lang. Umuwi siya.
Noong nakita ko siya, ang laki ng ipinagbago niya. Nararamdaman ko ang hirap na dinadanas niya. Pagod at puyat na lagi niyang sinasalubong para lang sa pera. Pero pinili niya yun at wala akong magagawa kundi ang makita siyang umalis at hintayin kung kailan siya uuwi. Kailan nga ba ulit?
Kahapon, nasa kusina ng ako sumunod siya. Alam ko may importante siyang sasabihin.
Sabi niya, kukunin siya ni Tito Edgar sa Cebu, doon daw siya pagaaralin. Hindi ako kumibo. Kunwari wala lang. Tapos sabi niya, " May pangarap ako. Alam mo iyon. Alam ko malaki na ang sakripisyo mo sa dalawa, maghintay ka lang. Magkakatrabaho ka din. Magtiis ka lang, kailangan ka nila. pasensya kana, kailangan kong umalis." Wala akong maisagot. Sa lahat ng taong nakikinig sa akin kapag nagbubunganga ako sa bahay, siya lang ang nagiisang taong nakakuha ng gusto kong isigaw. Ng gusto kong ipahayag. Isang taong hindi ko maisinghal ang nararamdaman kong hirap at sakripisyo para sa buhay ng dalawang taong nakadepende sa akin, siya lang ang nagsa-titik. Mahirap maging mahirap. Mahirap maging responsable at mahirap magmahal.
Sana may pagkakataon akong masabi ito sa kanya.
Sana.
At noong paalis na siya nasabi niya sa akin ang, "Magsisikap ako kahit mahirap. Wala akong pahinga doon pero kapag nakakakita ako ng mga batang walang makain, naalala ko sila. Huwag mo silang pababayaan. magiingat kayo. Magiipon lang ako. Aalis din tayo dito."
Tapos sumakay na siya ng tricycle habang nagba-babay sila Mike at Jhara pati si Ludingz. At ako, sa hangin ko na lang isisinghal lahat ng mga paalala at bilin ko sa kanya. Sadya lang akong pipi ng mga panahon na iyon. Mahirap lalo na kapag damdamin ang pinaguusapan. Tapos parang end credit lang. Bigla na lang nag-fade sa paningin ko ang tricycle na sinasakyan niya tapos... wala na siya. Malayo na siya na parang kanina lang katabi ko siya. Alam ko ganun din ang nararamdaman ni Ludingz. Nakita ko ang mga mata niyang tipong luluha na pero nagpipigil lang. Pagkatapos noon, matagal kaming nanahimik. Parang volume na nilagay sa mute. Matagal din ako bago gumalaw. Sinasariwa ang mga oras na nakasama namin siya..
Sana, bumalik sa dating ikot ang mundo.
O baka dapat ko ng itanong ito.. "Kailan ba ulit iikot ang mundo?"
Mas na-inspired ako. Mas naging matatag ako. Mas minahal ko ang pinakaimportanteng mga tao sa buhay at mundo ko - sila, na pamilya ko.
Mahal na mahal kita Bibz. Saan ka man mapunta, susuportahan kita. This time hindi ko kayo bibiguin ni papa, aalagaan ko sila tulad ng sinasabi mo palagi. Magiging responsable akong ate hindi tulad niya. Pinabayaan niya tayo.
Sa buhay na ito natutunan kong masaktan at paulit-ulit na magtiwala at magmahal. Swerte ko kasi naranasan kong magmahal, at dahil iyon sa mga taong nagparamdam nito sa akin. I must say, it's just a worthy life! :)
Magiingat ka kahit saan ka man ngayon..
Happy birthday ulit! :)
Nagmamahal,
Ate Lele.. ♥
***
I'm just a little bit caught in the middle
Life is a maze and love is a riddle
I don't know where to go, can't do it alone
I've tried and I don't know why
I'm just a little girl lost in the moment
I'm so scared but I don't show it
I can't figure it out, it's bringing me down
I know I've got to let it go and just enjoy the show
_____________________